Maganda ang naging panimula ng 24-anyos na si Tanamor na naging tulay niya sa 21-11 tagumpay kontra sa Indian na si Qamar Mohamed Ali sa kanilang lighfllyweight class.
Matitinding right straight ang ibinigay ni Tanamor sa unang round pa lang para agad na umabante sa 5-1 bagamat nagawang makipagpalitan ng suntok sa ikatlong rounds kung saan umukit ng apat na puntos si Qamar kontra sa lima ng mas matangkad na Pinoy na ang naging panlaban ay ang kanyang mas mahabang biyas.
Ngunit sa ikaapat at huling round, tinadtad ng suntok ni Tanamor ang Indian at hindi tinantanan upang isigurong hindi na makakawala ang bronze.
Makakalaban ni Tanamor ang Thailander na si Suban Pannon na nanaig kay Kim Un Chol ng North Korea.
Sa kabilang dako, ibinuhos ni Brin ang lahat ng kanyang lakas ngunit hindi naging sapat para daigin ang Pakistani na si Asghar Ali Shah para malasap ang 15-31 kabiguan.
Bunga nito, makakasama ni Brin sa pagsuporta ng dalawang pang Pinoy boxer na may laban ngayon sa quarterfinals ang mga naunang napatalsik na sina Chris Camat, Violito Payla at Roel Laguna.
Sa walong boxers na ipinadala dito, ang tanging nasa kontensiyon na lamang ay sina Tanamor, Maraon Goles na makikipagpalitan ng kamao kay Ahmed Ali Khan ng Pakistan sa middleweight class at Anthony Igusquiza na makakaharap si Mahmudov Dishov ng Uzbekistan sa lightweight division.
Kapag nanaig sina Goles at Igusquiza, masisiguro na rin ng dalawa ang bronze medal ngunit magiging mas matinik ang daan para kay Goles dahil Pakistani ang kanyang makakalaban kung saan ang pangulo ng AIBA na si Anwar Chowdry ay isang Pakistan national na sinasabing malaki ang impluwensiya sa boxing community. (Ulat ni DMVillena)