Ang All-star National team ay nakatakdang makipagharap sa China sa ganap na alas-6:00 (alas-7:00 ng gabi sa Manila).
Bagamat nakakasiguro na ng upuan sa semis, nais ni National coach Jong Uichico na wasakin ang supremidad ng Chinese sa larangan ng basketball kung saan muling sasandalan ang mahusay at impresibong performance nina Kenneth Duremdes, Paul Asi Taulava, Danny Ildefonso, Noy Castillo at Olsen Racela.
"Its very tough job," ani Uichico makaraan ang ilang araw na pahinga ng Philippine team.
Nakasulong ang Nationals sa semis makaraang lusutan ang Japan sa isang makapigil-hiningang 79-74 tagumpay noong Oktubre 3 at isinunod ang batam-batang Chinese-Taipei, 83-69.
Tiyak na nakatuon ang depensa ng RP squad sa NBA first round draft pick ng Houston Rockets na si Yao Ming na siyang pinakamabigat na sandata ng Chinese.
Inaasahang malagkit na depensa ang inihanda ni Uichico para malimitahan ang 75 na higante ng China bukod pa sa mga beteranong sina Menke Bateer, Hu Weidong, Gong Xiaobin at Lui Wei.
Bagamat walang kahinaang nakita si Uichico sa kalabang Chinese, may itinatagong play ito para madepensahan ang defending champion na maaaring magbigay ng sorpresa.
Sakaling manaig ang mga Pinoy sa China, ookupahan nila ang unang posisyon sa kanilang grupo kung saan makakaharap ang top 2 ng kabilang grupo na paglalabanan ng host South Korea at Kazakhstan para sa crossover semifinals.
Ang dalawang magwawagi sa semis ang maghaharap para sa makinang na gintong medalya. (Ulat ni Dina Marie Villena)