Tinumbok ng tambalang Bustamante at Lining ang kumikinang na ginto sa 9-ball doubles nang kanilang payukurin ang Korean duo nina Jeong Young Hwa at Kim Won Suk, 11-9 para muling marinig ang pagtugtog ng Pambansang Awit.
Inihabol naman ng womens team-of-five na binubuo nina Liza del Rosario, Jojo Canare, Irene Garcia Benitez, Liza Clutario at Cecilia Yap ang silver makaraang magpagulong ng 6,095 pinfalls sa likuran ng nag-gold na Korean na may kabuuang 6,272 pinfalls. Gayunman, hindi sinuwerte ang kalalakihan na pangwalo lamang ang tinapos sa kanilang event.
Lungkot at saya naman ang sumilay sa Philippine boxing team nang mabigo si Violito Payla na makausad sa susunod na round makaraang pabagsakin ng Pakistani na si Nouman Karim, 31-19 habang nalusutan naman ni Anthony Igusquiza ang kalabang Syrian na si Hamidi Yousef, 20-14.
Makulimlim ang pagtalon para sa athletics ng pumuwesto lamang sa ikawalo ang inaasahang si Eduardo Buenavista sa 10,000m mens final sa kanyang oras na 29:02.36 na malayo sa nag-gold na si Otaibi Makhid ng Saudi Arabia.
Habang naungusan sa bronze medal si long jumper Lerma Bulauitan Gabito ni Yelena Kochsheyeva ng Kazakhstan na magkatulad ang tinalon na 6.30M.
Naging gabay ng Kazakhs ang dalawang beses niyang pagtalon ng 6.30m habang minsan lamang si Gabito sa kanyang ikalawang pagtatangka.
Nakapasok naman sa 400m mens final si Ernie Candelario na itatakbo sa Oktubre 9. (Ulat ni Dina Marie Villena)