Ang 38-anyos na si Bustamante, Japan Open champion kamakailan lamang at inihabol sa line-up ng National team sa kahilingan ng mga mamamayang Pilipino at ang katambal na 38-anyos din na si Lining at 2001 Kuala Lumpur SEA Games gold medalists sa 9-ball singles ay umusad sa finals makaraang igupo ang tam-balang Kuwaiti na sina Al Mutairi Khaled at Al-Awadi Aref, 11-5.
Ito ang nagtakda ng kanilang pakikipagharap sa mga Koreano na namayani naman sa Japanese duo na sina Kunihiko Takahashi at Akikumo Toshikawa, 11-9.
Ito sana ang ikalawang gold ng billiards ngunit dahil sa pulitika, hindi isinalang ang world champion na si Efren "Bata" Reyes sa paboritong 9-ball at sa halip sinali sa 8-ball at 3-Cushion Carom na pawang hindi naman event ng 48-anyos na tinaguriang The Magician.
Si Bustamante naman, isa ring 9-ball expert, ay sa doubles lamang ng 9-balls kasama.
Kung nakasama lamang si Reyes at Bustamante sa 9-ball singles mas malamang ang ginto bagamat nakuha ni Warren Kiamco ang silver.
Naging kapana-panabik ang bakbakan ng mga Pinoy at Koreano nang halos laging naghahabol sina Bustamante at Lining hanggang sa naitabla nila ang ikor sa 7-7.
"Pare alisin mo nga nerbiyos mo, pati tuloy ako ninenerbiyos," sabi ni Bustamante sa kasamang si Lining na humingi ng time-out makaraang itabla ang iskor sa 7-all.
Umabante ang mga Pinoy sa 9-7 ngunit bumawi ang mga Koreano na muling nagtabla ng score sa 9-all gayunpaman ay hindi bumitiw ang mga Pinoy at di hinayaang makahabol ang mga kalaban para tumbukin ang gintong medalya at mapanatili ang titulo sa mens doubles na nakuha nina Romeo Villanueva at Gandy Valle noong 1998 Bangkok Asian Games.