At kung ang tatanungin ay sina PBA Commissioner Jun Bernardino at Selecta team manager Elmer Yanga, kumpiyansa ang dalawa na malapit na tayo sa mailap na ginto.
"Kaya natin yan. Magandang motivation na nakukuha ng mga players at ang determinasyon ay buyo," magkasabay na wika nina Bernardino at Yanga.
Naka-krus ang mga daliri, sinabi ni Bernardino na Kazakhstan ang makakalaban ng All-Star PBA team sa semifinal round.
At magdidilang-angel si Bernardino kapag sinorpresa ng Nationals ang China sa quarterfinal match na nakatakda bukas (Oktubre 8).
Pero siyempre pangarap ni Bernardino yun. Ngunit hindi lamang siya ang nangangarap kundi ang milyun-milyong Filipino ang nagdarasal para sa ambisyon ng Nationals na malamang ay huling pagkakataon nang makapagpadala ng all-pro team sa Asiad.
Ngunit paano mo tatalunin ang higanteng China?
"The Chinese has no weakness," pahayag ni National mentor Jong Uichico na pinanood ang laban ng China at Japan noong Sabado.
Tinutukoy ni Uichico na ang pinagsamang galing ng NBA draft pick ng Houston Rockets na si 75 Yao Ming, Menke Bateer (Denver Nuggets) at ang mga beteranong sina Gong Xiaobin at Hu Weidong.
Kahit saan anggulo at halos sa lahat ng departamento ay malaki ang tulong na ibibigay ni Ming sa China na halos abot kamay na ang gintong medalya.
Gayunpaman, hindi nasisiraan ng loob bagkus ay nagsilbi itong malaking hamon para kay Uichico.
Samantala, nakatakdang dumating si Sen. Robert Jaworski ngayon hindi lamang para panoorin ang National team kundi para bigyan rin ng suporta.
Maaalang si Jaworski ang siyang mentor ng PBA All-Star team sa Hiroshima Asiad na sumungkit ng silver medal.
Kabilang sa manlalaro ni Jaworski ang assistant coach ngayon ng National squad na si Allan Caidic. (Ulat ni DMVillena)