Sa harap ng mangilanngilang Filipino na nanonood, pinataob ng Nationals ang Chinese-Taipei, 83-69 sa kanilang ikalawang asignatura sa quarterfinals na nagbigay sa kanila ng puwesto sa semis round kahit na matalo pa ito sa kanilang laban kontra sa Great Wall of China sa Martes.
Naging kasiyahan din ang ikalawang panalo ni lightflyweight Harry Tanamor kontra sa Chinese boxer na si Zuo Shiming, 15-13 bagamat bigo ang Fil-Am pug na si Chris Camat sa Pakistani na kalaban 18-11. Umusad sa quarterfinal round ang 24-anyos na si Tanamor.
Kasiyahan na rin ang pag-abante nina billiard cue artist Antonio Lining na namayani kay Leng San Fat ng Macau at Warren Kiamco na nanaig kontra naman kay Wong Tin Hong ng Macau, habang hindi naman sinuwerte ang mga snooker players na sina James Ortega na yumuko kay Mohamed Mustafa Al Hashemi ng United Arab Emirates, 3-0, habang makaraang manalo sa unang match ni Marlon Manalo kontra kay Lim Chun Kiat ng Singapore, 3-1 ay sinamampalad ito sa kanyang ikalawang laban kontra naman kay Mohammed Yousuf ng Pakistan, 3-2.
Makakaharap ni Kiamco si Siauw Wieto ng Indonesia sa quarterfinals habang si Lining naman ay sasagupa kay Shin Yong Park ng Korea.
At kung nagpaputok ng bronze medal ang shooting team mula kay Jethro Dionisio sa mens individual trap event at pangunahan ang mens trap, nakakadismaya naman ang nangyari kina shooter Rasheya Jasmin Luis na nagkasya lamang sa 26th place sa lahok na 42 sa 50m rifle prome, habang pang-24th naman si Ma. Therese Cantada sa 25m pistol sa kanyang 555 na iskor.
Naghihintay pa rin ng magandang resulta sa bowling mens double kung saan nasa kontensiyon ang tambalang Paeng Nepomuceno at RJ Bautista. (Ulat ni DMV)