Humahataw Si Mike Cortez!

Grabe si Mike Cortez ng La Salle! Ibang klaseng maglaro ang Green Archer na ito. Tatahi-tahimik pero tingnan mo kapag lumipad na siya sa ere, kapag gumalaw na ang mga paa niya at kapag bumitaw na ang kamay niya sa bola. Ito ang player na dapat eh nasa PBA na. Na dapat nga eh nasa national team natin sa Busan.

Sa larong ipinakita ni Mike nung Linggo, puwede na nating sabihin na kung wala si Mike sa La Salle, tiyak na champion na ngayon ang Ateneo.

Kaya naman di rin siguro maiwasan ng mga tao na sumigaw ng ‘MVP, MVP, MVP’ habang nasa free throw line siya. Ang feeling nila, si Mike Cortez ang dapat na MVP at hindi si Enrico Villanueva.
* * *
Bago mag-Game-One, umabot na raw sa P5,000 ang bentahan ng tickets para sa Ateneo-La Salle finals.

Ngayong may Game-Three, magkano na kaya? P10,000 na?
* * *
Kagabi ay ginanap sa Edsa Shangrila ang victory party ng Red Bull Thunder.

Lahat ng players eh nakangiti dahil siguradong malalaki ang bonus na nakuha nila mula kay team owner George Chua.

Ang isang magandang ugali ng mga taga-Red Bull eh marunong silang mag-appreciate sa mga taong kahit paano eh nakatulong sa kanila sa pagkopo nila ng kampeonato sa PBA.

Ang mga press na laging nakasuporta sa kanila eh hindi nila nalilimutan.

Kaya naman kahit sabihin na bago pa lang sa PBA ang Red Bull eh aakalain mong beterano na sila sa liga at magaganda ang nangyayari sa kanila.

Pati nga yung mga loyal fans nila walang tigil sa kasisigaw para sa kanilang players eh kasama sa party.

Mabuhay kayo, Red Bull team!
* * *
Isang mayamang bading ang sumuko na agad sa kanyang sinusu-yong college basketball player sa unang date pa lang nila.

Nagpasama raw si player (na may kasama pang isang player) sa isang department store sa isang sikat na mall.

Nagpabili raw ito ng t-shirt. Nagulat pa nga si bading dahil sabi niya sa sarili niya, "aba, isang t-shirt lang ang pinabili. At least, hindi mapagsamantala."

Pero nung babayaran na niya yung napamili ni player, nagulat siya dahil bukod dun sa t-shirt na dala-dala niya, may iba pa palang items na nakuha si player na nauna na niyang nailagay sa counter.

Naloka si bading dahil ang dami pala nung babayaran niya. Umabot din ng P8,000. At para di siya masabihang kuripot siya o walang pera, hayun, binayaran din nya ng credit card nya.

Naloka talaga siya...to think na first date pa lang nila yon.
* * *
Nung Lunes ay ginanap ang Rookie camp sa PBL at kahapon naman ng umaga ay ang drafting nila. Sa November na ang muling pagbubukas ng PBL at medyo exciting ito dahil may tatlong bagong teams–ang RFM Corporation, LBC Batangas at Lhuillier.

Si Nash Racela pa rin ang coach ng LBC samantalang wala pang balita sa RFM dahil nasa Busan Korea si Elmer Yanga.

Congratulations kay Raymond Dula ng Mapua Tech Cardinals para sa Montana, na siyang lumabas na No. 1 pick., Mark Isip ng FEU Tamaraws para sa Welcoat at Lawrence Bonus ng St. Francis naman sa John O. Pasok din sa first round si Mark Abadia ng Adamson para sa Shark.

Congratulations sa lahat ng na-pick sa drafting at sana’y makapirma kayo ng magandang kontrata.

Show comments