Makikipagpalitan ng kamao ang 24-anyos na Zamboangueño na si Harry Tanamor kay Kyaw Swar Aung ng Myanmar sa lightflyweight division habang ang beteranong Olympian na si Romeo Brin ay makikipagsuntukan kay Bayanmunkh Bayanjargal ng Mongolia sa lightweight division.
Bagamat matinik ang daan patungo sa pagsungkit ng medalya sisi-kapin ng mga boksingero na maiangat ang antas ng kanilang katayuan matapos na mabokya sa Bangkok Asian Games noong 1998.
Magiging basehan ni Tanamor ang kanyang magandang record sa mga nagdaang international events na sinalihan ngayong taon kung saan may dalawa itong gold at dalawang silver na maipagmamalaki.
Sa kabilang dako, malaki naman ang tsansa ng beteranong si Brin, nag-silver sa Finland tournament kontra sa Mongolian na kalaban para makausad sa susunod na round.
"Basta ako laban," ani Brin, perennial gold medalist sa Southeast Asian Games at tumapos ng runner-up kamakailan sa Tampere Cup sa Finland.
Huling sumungkit ng ginto ang boxing team noong 1994 Hiroshima kung saan nagwagi sina Onyok Velasco, Reynaldo Galido at Elias Recaido kung saan si Anthony Igusquiza ay nakakuha naman ng bronze medal sa nasabing meet. (Ulat ni DMV)