Sa tutoo lang, marami ding may gustong magwagi ang Talk N Text. Isa sa mga kaibigan ko, si Atty. Annie Aguilar, ay nagchi-cheer daw para sa Talk N Text habang siyay nagte-threadmill sa gym.
Tanong nga niya sa akin: "Hindi ba na-foul si Mark Telan? Kitang-kita iyon, ah. Kaya nga sumugod sa loob ng court si coach Billy Bayno."
Well, depende iyon sa punto de vista ng mga referees, eh. Maaaring nahuli ng camera ang foul pero sa anggulo ng referees ay wala silang nakita.
Ang sabi ko na lang ay okay na magreklamo si Bayno. Kaya lang ay hindi yata puwede yung ganoong klase ng pagrereklamo. Biglang papasok sa loob ng court at sisigawan ang referees. Parang may halong arte na iyon, eh. Para bang nasa inter-barangay tournament tayo at puwedeng pumasok sa loob ng court ang kahit na sino at pagkatapos ay suntukan na! Mabuti kung suntukan lang kasi kung minsan tagaan at barilan pa ang nangyayari.
Pero tapos na ang insidenteng iyon at marahil intense lang talaga si Bayno at balewala sa kanya kung pagmultahin pa siya ng P50,000 o P200,000. Parang sanay na sanay na siyang magbayad, eh. Hndi kaya niya pinanghihinayangan ang lahat ng iminulta niya?
Kasi nga, matapos na matalo sa Game-Six ay sinugod din ni Bayno ang Commissioners row at sinabing dinaya sila ng referees. Kaya naman pinagmulta ulit siya.
Sinabi ko na lang kay Atty. Aguilar na normal lang sa isang coach na maapektuhan ng mga tawag na laban sa kanyang koponan o kayay ng mga fouls na hindi itinawag ng mga referees kontra sa kanyang kalaban.
Kahit naman si Red Bull coach Joseller Yeng Guiao ay nagrereklamo din sa mga calls at non-calls ng mga referees. Kahit na si Red Bull team manager Tony Chua at consultant Andy Jao ay nagrereklamo din. Pero hindi violent ang pagrereklamo nila. Nasa lugar ang pagrereklamo nila.
Sa buhay, kapag violent ang pagrereklamo ng isang tao, lalong walang mangyayari sa kanyang inirereklamo. Pero kapag malumanay at dinaan sa diplomasya ang pagrereklamo, malamang sa magkaroon ng magandang aksyon.
Iyon siguro ang dapat na matutunan ni Bayno, eh.
Kung sabagay, bago pa lang siya sa liga, eh. Nais niyang gumawa ng pangalan. Pero tila hindi sa pamamagitan ng paghahatid sa Talk N Text sa tagumpay kundi sa pagkakaroon ng record sa mga multang ibinayad.