Sa hangaring maidepensa ang iniingatang titulo, nagpalit ng import ang Red Bull Thunder para sa Game-Four ngayon ng Samsung-PBA Commissioners Cup finals na gaganapin sa alas-7:30 ng gabi sa Cuneta Astrodome.
Bunga ng tinamong hamstring injury ni import Tony Lang, napilitan ang Thunder na kuning muli ang serbisyo ng dating import na si Sean Lampley na nasilayan sa do-or-die na laban ng Thunder sa quarterfinals noong nakaraang Governors Cup.
"We decided not to use Tony Lang anymore because of his hamstring injury although nandito pa siya. Sean (Lampley) is expected to play for us tonights game. We will have a short practice upon his arrival," pahayag ni coach Yeng Guiao.
Naging epektibo ang game-plan ni Talk N Text coach Bill Bayno noong nakaraang Game-Three na siyang nagbunga ng kanilang 80-71 tagumpay upang kunin ang 2-1 bentahe sa best-of-seven championships series.
"Before the start of Game-Three, I told the boys that the only chance we can win against Red Bull is to pressure our defense against Red Bull and make some ball movements," wika ni coach Bill Bayno.
Ito ang inaasahang muling gawin ng Phone Pals laban sa Thunder na umaasang makakapagbigay ng inaasahang performance mula kay Lampley na siyang bagong katambal ni import Julius Nwosu.
Siguradong pagtutuunan naman ng depensa ng Thunder ang dynamic duo ng Phone Pals na sina imports Jerald Honeycutt at Pete Mickael na siyang kumakana para sa Talk N Text.
Dahil maaaring maapektuhan ng jetlag ang laro ni Lampley, inaasahang magbibigay din ng ibayong suporta sina Jimwell Torion, Davonn Harp at Willie Miller tungo sa hangarin ng Thunder na maidepensa ang titulo.
Nakatakdang dumating si Lampley ngayong alas-11 ng umaga. Ang dating manlalaro ng Sioux Skyforce ay kagagaling lamang sa pagdalo sa training camp ng Phoenix Suns at Vancouver Grizzlies.
Umiskor lamang ng 5-puntos si Lang sa second half ng kanilang laro at nagbalik-balik sa bench upang gamutin ang kanyang iniindang nananakit na hita. (Ulat ni Carmela Ochoa)