Itataya ni Peñalosa ang kanyang World Boxing Council International Superflyweight title kontra kay Seiji Tanaka ng Japan ngayong ala-1 ng hapon Manila Time (Agosto 20 sa Hawaii sa alas-7 ng gabi).
Ito ang ikaapat na depensa ni Peñalosa sa kanyang korona matapos na talunin si Pone Saengmorakot ng Thailand noong Mayo 27, 2000 sa pamamagitan ng 6th round TKO ay isa sa kanyang krusiyal na title defense.
Dahil sa kagustuhan ni Peñalosa na muling mabawi ang lehitimong world title kay Masamori Tokuyama na kanyang makakasagupa sa Nobyembre, itinaya ng Pinoy champ ang kanyang WBC belt para sa tune-up fight na ito kontra Tanaka.
Si Tanaka ay isa ring tigasing fighter na hindi pa natatalo sa kanyang laban, bukod dito, siya ay mas bata ng anim na taon kay Peñalosa at hindi niya pakakawalan ang oportunidad na ibinigay sa kanya sa kauna-unahang pagkakataon para makarating sa international title match.
Ayon sa kampo ni Tanaka, akma sa kanilang fighter ang estilo ni Peñalosa na inalagaan naman ni Freddie Roach sa Wild Card Gym sa Hollywood, California.
Gayunman, ayon sa trainer ni Peñalosa na si Roach, kayang talunin ni Peñalosa ang kanyang kalaban sa labang tinaguriang Showdown in Honolulu.
"Gerry is very dedicated and works hard. I know he will win this fight and will be the new world champion come this November," pahayag ni Roach.
Taglay ni Peñalosa ang impresibong 44 panalo, 4-talo, 2-draws at 28 knockout win kung saan iisa lang ang nasa kanyang isipan ang mapagwagian ang WBC Intl defense kontra Tanaka at mabawi ang kanyang pagiging world champion status sa Nov.
Suportado ng Philippine Amusement and Gaming Corporation at Philippine Charity Sweepstakes Office, ang Showdown sa Honolulu ay magtatampok rin ng 10-round non-title fight sa pagitan nina WBC Intl lightflyweight champion Juanito Rubillar at dating Japanese lightfly champ Takayuki Korogi. Mayroon ring special feature na exhibition fight sa pagitan naman nina IBF king Manny Pacquiao at Hawaiian Punch Jesus Salud.
Ang labang ito ay mapapanood sa Agosto 25, Linggo mula alas-10-12 ng gabi sa NBN-4.