Si Barnachea, nag-kampeon sa nakaraang FedEx Express Tour ay bahagi ng breakaway sa kaagahan na pinasimulan ni Tore Bekken ng Team Krone-Norway at Jamsran Ulzii Orshikh ng Team Giant A.R.T. sa unang 50 km kung saan siya ay umabante ng tatlong minuto ng maraming ulit.
Subalit ang tatlong grupo ay inabot ng peloton sa ikalawang kategorya ng tatlong akyatin ng 120 km, pero hindi nagpahuli si Barnachea at sumabay siya sa consistent na pagbibisekleta ni Espiritu, miyembro ng Philippine Army upang kunin ang 4th place sa Asian category.
Si Barnachea ay naorasan ng tiyempong 3:23:03, habang nagtala si Espiritu, nanatiling pinakamahusay na rider ng bansa ng 3:19:38 na may limang segundo lamang na layo sa stage winner na si Tommy Evans (3:19:33) ng Ireland National Team.
Tanging ang top three teams sa Asia ang siyang makakakuha ng slot sa Le Tour de Langkawi na gagamitan ng UCI rating na 2.2 sa susunod na taon.
"Sobrang init at pagod ang inabot ko. Ayaw akong pakawalan nung dalawang riders kaya pagdating sa ahon, inabot na kami ng peloton. Masyadong mabilis ang karera, muntik na akong bumigay," ani Barnachea.
Hawak ng Team Krone mula sa Norway ang pangunguna sa overall classification, habang ang Iran national team ang siyang nangunguna sa Asian category, sinundan ng Japan at Kuala Lumpur Selection ng Malaysia.