Natagpuan ng mga siyentipiko sa Tohoku University sa Japan na ang gumagana lamang sa ating utak tuwing naglalaro ng video game ay ang mga bahaging may kaugnayan sa paningin at pagkilos. Hindi nagagamit ang harapang bahagi ng utak o frontal lobes, na siyang gumagabay sa mga emosyon, ugali, alaala at pagkatuto.
Ang harap na bahagi ng utak ang siyang pagkakaiba natin sa mga matsing, dahil mas malapad ang bahaging ito ng utak ng mga tao.
Ayon kay Prof. Ryuta Kawashima, "Magkakaroon tayo ng problema sa susunod na henerasyon ng mga kabataan - na naglalaro ng computer games - na hindi natin nakikita dati. Mas marahas na lipunan, at mas maraming kabataang gumagawa ng masasama tuwing naglalaro sila ng computer games at hindi nagbabasa o nag-aaral ng arithmetic."
Inihambing ni Kawashima ang takbo ng utak ng ilang daang batang naglalaro ng Nintendo, at inihambing ito sa mga batang nagsasanay ng math.
Samantala, sa isang survey na ginawa ni Akio Mori, isang propesor sa College of Humanities and Sciences sa Nihon University, natagpuan ding hindi bumabalik sa dati ang beta waves ng mga utak ng mga naglalaro ng video games.
"Maraming video games ang nag-uungkat ng tensyon at takot," ani Mori. "Mas mainam ang pakikipaglaro sa labas, hindi video games, ang pinakamabuti.
Napatunayan ni Mori na, habang tumatagal, ang pagtigil ng paggana ng ilang bahagi ng utak ay nagiging permanente. Batay sa kanyang pananaliksik, ang mga bahagi ng utak na tumitigil tuwing naglalaro ng video game ay di na muling gumagana kahit huminto na sa paglalaro nito.
Ang pinakamasakit dito'y ni wala tayong kamalay-malay na napupurol na ang mga utak natin, at nasisira pa ang mga mata natin sa mga larong wala naman talagang pakinabang sa atin.