Iyan ang nasabi ni coach Paul Ryan Gregorio matapos na talunin ng Purefoods Tender Juicy Hotdogs ang nagtatanggol na kampeong Batang Red Bull kahapon.
Balewala na ang panalong iyon ng Purefoods kung ang pagpasok sa quarterfinals ang pag-uusapan. Kasi, hindi na makakarating pa sa quarterfinals ang Hotdogs.
Balewala na rin ang pagkatalong iyon para sa Red Bull dahil sigurado na ang Thunder na magiging No. 1 team sa pagtatapos ng elimination round at may twice-to-beat advantage na sila sa quarterfinals.
Kumbagay pampalubag loob na lang sa Hotdogs ang nangyari.
At dahil nga sa masaklap ang kapalarang sinapit ng Purefoods sa Samsung-PBA Commissioners Cup matapos na magkampeon sa Governors Cup, marami ang nagsasabing si Derrick Brown lang talaga ang pinakamalaking dahilan kung bakit nakapamayagpag ang Hotdogs.
Kaya?
Sa isang banday tutoo ito, Kasi nga, binuhat ni Brown sa kanyang balikat ang Hotdogs sa nagdaang conference kung saan siya pa ang nahirang na Best Import. Pero iniwan niya ang Hotdogs dahil sa nakatanggap siya ng imbitasyon na lumahok sa training camp ng Toronto Raptors sa NBA. At hindi naman niya puwedeng palampasin iyon.
Pinanatili ng Hotdogs ang serbisyo ng kakampi ni Brown na si Kelvin Price at pagkatapos ay kinuha nila si Gabe Muoneke. Iyon ang naging hudyat ng pagbagsak ng Hotdogs. Hindi kasi maganda ang kumbinasyong iyon. Si Price ay rebounder lamang samantalang si Muoneke, bagamat mahusay na shooter, ay may toyo naman.
Nang palitan ni Chris Morris si Price, abay lalong nagkaluko-luko ang Purefoods. Mas malala ang toyo ni Morris dahil sa tila may superiority complex ito bunga ng pangyayaring nakapaglaro ng 11 seasons sa NBA. Palagi daw nag-aaway sina Gregorio at Morris sa bawat timeout na tawagin ng Purefoods coach.
Pero hindi lang daw imports ang naging problema ng Purefoods. Ayon kay team manager Rene Pardo ay nasunog sila nang husto matapos ang mahabang semifinals at finals series sa nagdaang Governors Cup. Hindi nila napaghandaang maigi ang Commissioners Cup dahil sa dalawang linggo lang ang naging pahinga nila.
Kaya naman masama ang naging umpisa nila. Idagdag pa dito ang pangyayaring nagtamo ng injuries ang mga point guards nilang sina Ronnie Magsanoc at Roger Yap kung kayat lalo silang nawalan ng direksiyon.
Ani nga ni Pardo, "Sa game namin kontra Selecta-RP, doon namin naramdaman ang kawalan ng direksiyon, eh. Biruin mong lima ang point guards namin. Dalawa ang injured, isa ang naglalaro sa amin (Junel Mendiola) at dalawa ang naglalaro sa Selecta (Boyet Fernandez at Noy Castillo). Doon namin nakita ang kakulangan namin."
Pero okay na rin daw para sa Purefoods ang nangyari, ani Pardo. "At least, na-realize namin na hindi pa kami magaling. Marami pa kaming dapat gawin maaga kaming magbabakasyon, mapaghahandaan namin nang husto ang All-Filipino Cup."