Higit na mahalaga para sa Barangay Ginebra at Shell Velocity ang tagumpay sa kanilang pagsasagupa ngayong alas-7:00 ng gabi sa nag-iisang laro sa PhilSports Arena.
Parehong naghahabol ang Turbo Chargers at Gin Kings sa eight-team quarterfinals slot at kapwa sila obligadong ipanalo ang kanilang mga huling asignatura para makasulong sa susunod na round.
Bukod sa larong ito, kailangan ding talunin ng Shell ang Sta. Lucia Realty sa Agosto 4 at Purefoods TJ Hotdogs sa Agosto 10 para sa kanilang awtomatikong pagpasok sa quarterfinals.
Mas mahirap naman ang daan ng Ginebra patungo sa susunod na round dahil isang laro na lamang ang natitira sa kanilang schedule pagkatapos ng larong ito.
Kailangan nilang ipanalo ang larong ito at ang huling asignatura laban sa FedEx Express sa Agosto 10 at umasang may makatabla sa 4-panalo sa ikawalong puwesto para magkaroon ng tsansa sa quarterfinals.
Okupado na ang unang apat na quarterfinal slots ng defending champion Batang Red Bull (7-1), Sta. Lucia Realty (5-2), San Miguel Beer (5-3) at Coca-Cola Tigers (5-3).
Ngunit tanging ang Thunder pa lamang ang may hawak ng twice-to-beat ticket na ipagkakaloob sa top four teams pagkatapos ng eliminations.
Siguradong magpapasiklaban sina imports Ben Davis at Ike Spencer ng Ginebra at sina Johnny Jackson at George Banks ng Shell upang maisulong ang kani-kanilang mga koponan.(Ulat ni Carmela V. Ochoa)