Naibulsa ni Strickland ang $65,000 at gintong medalya at tropeo na nakaukit ang kanyang pangalan na siyang iniuwi ni Efren Bata Reyes noong 1999. Habang tumanggap naman si Bustamante ng $30,000 at silver medal.
Ang laban nina Bustamante at Strickland ay live na pinanood ng nagdadalamhati niyang asawang si Mila sa Star Sports sa loob ng funeral kahapon ng madaling araw kasa-ma ang Viva Vintage Sports television crew at hindi niya napigilang tumulo ang kanyang luha matapos ang resulta ng laban.
Sinabi ni Mila na malaki ang pagnanais ni Bustamante na maipanalo ang kanyang laban para ialay sa kanyang anak na si Mariel na mahal na mahal nito at para rin sa bansa, gayunpaman sa kabila ng kanyang kabiguan siya ay ipinagma-malaki pa rin ng kanyang asawa.
Ang pagtatapos na ito ni Bustamante sa kanyang kampanya ay iniaalay niya sa kanyang anak at sinabi nito na "she is well where she is," at nangako ito na sa kanyang pagbabalik sa susunod na taon, sisikapin na niyang magwagi.
"Its hard to accept losing after being ahead for so long but Earl is a good player and although he probably talks too much, I had no problem with his behavior during the game," dagdag pa ni Bustamante.
Naging inspirasyon ni Bustamante ang mga hiyawan at simpatiya ng mga manonood sa punompunong Cardiff International Arena kung saan ang maraming bilang ng mga kababayang Pinoy ay nagwawagayway ng bandila ng Pilipinas kung kayat agad itong umabante sa laban at abot kamay na lamang niya ang kanyang tagumpay matapos na tumumbok ng magandang tira sa no. 7 na naghatid sa kanya sa dalawang racks na lamang patungo sa titulo, 15-13.
Ngunit ang magandang breaks ay pumanig kay Strickland nang pumaltos ang tira nitong cue balls na nagbigay daan naman kay Strickland ng pagkakataon upang walisin ang lamesa at ilapit ang iskor sa 15-14.