Ito ang napag-alaman sa manager ni Peñalosa na si Atty. Rudy Salud kung saan isang tune-up fight na ang kanyang pinaplantsa sa Amerika bago matapos ang buwang kasalukuyan.
Ayon pa kay Salud, hindi basta-basta ang makakaharap ni Peñalosa kung saan ang kaliweteng si Tanaka ay mayroong impresibong ring record na maipagmamalaki.
Taglay ni Tanaka ang 11 panalo, apat na talo at walong draw kung saan isa rito ay knockout na kanyang naitala sa huling laban noong Marso 3 sa under-card ng WBC title defense ni Tokuyama na namayani sa nine-round laban sa kababayang si Kazuhiro Ryuko.
Inaasahan na hindi pakakawalan ni Peñalosa ang pagkakataong ito na siya niyang magiging panibagong hakbang upang muling makaharap at mabawi ang korona na inagaw sa kanya ni Tokuyama noong nakaraang taon sa Seoul, Korea.
Muling nakabalik si Peñalosa mata-pos niyang talunin si Oscar Andrade ng Mexico sa 12th round sa pamamagitan ng unanimous decision na nagbigay sa kanya ng North American Boxing Federation (NABF) title noong Mayo 24 sa Oroville, California.
Ang panalong ito ni Peñalosa ang nagpaganda naman ng kanyang ring record sa 45 win, 4 loss at 30 KOs.
Samantala, sinabi naman ni Salud na hindi apektado si Manny Pacquioa sa nagaganap na sigalot sa pagitan ng kanyang business manager na si Rod Nazario sa kanyang nalalapit na mandatory title defense.
Si Salud ang tumatayong legal counsel ni Nazario kung saan di sang-ayon si Pacquioa na tanggalin ang huli bilang business manager ng kampeon.
Nagsimula ang gulo matapos na magpadala ng sulat ang mga abogado ni Marty Elorde, manager ni Pacquioa kay Nazario na nagsasaad na sinisibak na siya sa kanyang posisyon bilang business mananger ng world champion, subalit umangal naman si Pacquioa at ayaw niyang alisin si Nazario.
Sa kabila ng hidwaan nina Nazario at Elorde, patuloy pa rin ang una sa pakikipagnegosasyon sa nalalapit na laban ni Pacquioa sa darating na Setyembre 21 na kung hindi man dito sa Pinas ay gaganapin sa labas ng bansa kontra Thai challenger F. Rakkiatgym.