Pinoy soft netters namayagpag

Pinangunahan ni soft tennis World Cup veteran Josephine Paguyo ang Philippines’ ang dominasyon ng katatapos lamang na 3rd Southeast Asia Soft Tennis Federation Championships dito sa Olivarez Sports Center sa Parañaque.

Winalis nina Paguyo kasama ang mga teammates na sina Petrona Bantay, Divina Escala, Deena Cruz at Karen Bundalian ang powerhouse Thailand, Indonesia, Malaysia at RP-B upang ibulsa ang women’s team title.

Sa women’s singles event, nag-rally si Paguyo upang talunin ang Thai na si Sawitree Naree, 4-2 na nagkaloob sa kanya ng gold, bago nakipagpareha kay Bantay upang iposte naman ang 5-1 panalo laban sa duo nina Naree at Luckhaha Pimjan para sa women’s doubles crown.

Napanatili naman ng RP men’s team ang team championship.

Kinumpleto nina Bantay at Orlando Silvoza ang matagumpay na kampanya ng bansa nang irehistro ang 5-3 panalo sa mixed doubles kontra sa pareha nina Pimjan at Wachirachai Suwanseree ng Thailand.

Napasakamay ni Indonesian Ferly Montolalu ang men’s singles title, habang ang teammate niyang si Yopi Chandra at Edy Kusdaryanto ang nanguna sa men’s doubles event.

Show comments