Napanatili ng Blue Eagles ang kanilang composure sa huling 1:14 segundo ng labanan sa pamamagitan ng paglatag ng malalintang depensa upang balikatin ang pressure na ibinigay ng Detergent Kings.
Pinangunahan ni Enrico Villanueva, nahirang na MVP ng serye ang kampanya ng Ateneo sa pagtapyas ng 24 puntos, bukod pa ang hinatak na 10 rebounds, apat na assists at dalawang blocks kung saan nakakuha siya ng malaking tulong kay Jec Chia na gumanap ng mahalagang papel sa koponan sa final na maiinit na bahagi ng laro upang itiklop ang serye sa 3-1.
Pumukol si Chia ng triples at split shot mula sa foul ni Tristan Codamon upang trangkuhan ng Blue Eagles ang momentun sa 51-48, bago nakipagtulungan kina Larry Fonacier at Villanueva sa pagposte ng 58-54 kalamangan, may 1:29 na lamang ang nalalabi sa laro.
Nagbanta ang Blu sa jumper ni Aries Dimaunahan nang makalapit sa 58-56. 1:14 ang nasa oras. Nagkaroon pa sana ang Blu ng tsansa na maitabla ang iskor, matapos na matawagan ang Ateneo ng eight-second violation.
Subalit, pumaltos ang binitiwang basket ni Marlon Legaspi may 14.7 segundo na lamang sa laro.
Isiniguro ng Blue Eagles ang kanilang panalo matapos ang dalawang freethrows ni Celino Cruz para sa 60-56 bentahe, 13.3 segundo na lamang ang nalalabi sa laro.