Umiskor sina light flyweight Lhyven Salazar at bantamweight Ferdie Gamo ng impresibong panalo upang umusad sa quarterfinals kung saan nakasiguro na sila ng bronze medals.
Ngunit naging masaklap naman ang kapalaran ni lightweight Anthony Igusquiza makaraang ibuhos nito ang kanyang pinakamahusay na laban sa kanyang buhay kung saan makikitang maliwanag na talo niya ang Olympic gold medalist Somluck Kamsing, siya ay ninakawan ng panalo at ng siguradong medalya ng mga judges na bumoto sa Thai legend.
Makaraan ang first round, mainit ang naging simula ni Igusquiza sa second round nang kanyang bugbugin si Kamsing hanggang sa final bell, dito na nagsimulang mabaligtad ang laban na pumabor kay Kamsing upang siyang ideklarang panalo sa iskor na 17-13.
Matapos ang kanilang laban, humingi ng dispensa ang 29-anyos na si Kamsing, ang kauna-unahang gold medalist ng Thailand noong 1996 Atlanta Olympics kay Igusquiza at sa Filipino team officials sa bus na kanilang sinasakyan pabalik sa hotel hinggil sa kinalabasan ng resulta ng kanilang laban.
Pinagretiro ni Salazar, anak ng sidewalk vendor mula sa Bacolod, si Kin Un Chol ng North Korea na awtomatikong nasibak makaraang itala ang Pinoy ang 15-points bentahe sa kalagitnaan ng third round.
Sumandig naman si Gamo sa kanyang solidong suntok sa third round upang pigilan ang atake ni Irans Akhbar Ahadi sa iskor na 18-17 puntos.
Ang dalawang bronze ng RP squad ang siyang tumabon sa huling paglahok ng bansa sa Asian Games.