MBA dadayo sa Davao Oriental

MATI, Davao Oriental -- Sa ikalawang pagkakataon ngayong taon, muli na namang dadayo ang MBA sa ‘Sunrise Capital’ ng bansa para sa panibagong exciting na doubleheader kung saan bubuksan ng MBA ang kanilang National Conference para sa Southern squads dito ngayon.

Haharapin ng First Conference champion RCPI Negros Slashers ang Casino Cagayan de Oro Amigos sa ala-1 ng hapon, bago susundan ng sagupaan sa pagitan ng Professional Davao Eagles at ng bisitang Cebuana Lhuillier Gems sa 7,000 sitting capacity ng Davao Oriental Gym.

Ito ang ikalawang pagkakataon na dadayo dito ang liga kung saan noong nakaraang Abril 30, tinalo ng Eagles ang Batangas Blades, 77-60 ang siyang kauna-unahang professional basketball game na ginanap dito.

Lumagda rin ang MBA ng kasunduan sa mga host upang ipagpatuloy ang pagdadala ng mga laro sa kani-kanilang bayan upang makatulong sa pangangalap ng pondo para sa Projects Olympkids Sports Development Program na siyang main beneficiary ng mga games.

Show comments