Tinakbo ng 15-anyos na si Campos, incoming fourth year student sa Filamer Christian College ang kanyang ikatlong ginto sa 3000-meter run sa tiyempong 10 minuto at 52.8 segundo.
Naungusan ng tubong Roxas City na si Campos ang mga kalabang sina Bernadette Magaso ng Southern Tagalog na tumawid ng finish line sa bilis na 10:57.8 para sa pilak at Marecil Maquilan ng Southern Mindanao na nagtala ng 11.16.8 minuto para isukbit ang tanso.
Unang inangkin ni Campos ang dalawang ginto sa 800m at 1500m run events kamakalawa upang palakasin ang kanyang kampanya para sa most outstanding athlete award sa athletics sa secondary girls division.
Humakot naman ang Big City ng anim na ginto sa elementary volleyball nang kanilang pabagsakin ang EVRAA upang iambag sa naunang 24 gintong nalikom ng NCR na siyang naghatid sa kanila para trangkuhan ang pangunguna sa secondary division.
Hindi rin nagpahuli ang kanilang counterpart sa elementary division nang lumikom ito ng 30-golds, 9 silvers at 13-bronze upang idagdag sa unang produksiyon kung saan sa kabuuan ang Big City ay mayroon ng 73-golds, 25-silvers at 30-bronzes sa dalawang division.
Inokupahan ng Southern Tagalog ang ikalawang posisyon sa kanilang pinagsamang 29-15-22, habang tersera naman ang WVRAA na may 25-27-20 na sinusundan ng SMRAA na may 11-15-18 at nasa ikalimang puwesto ang CVRAA na may 8-19-20.
Kabilang sa top 10 ang IRAA (6th) na may 5-10-14; CLRAA (7th) 5-4-3; BRAA (8th) 4-13-12; NMRAA (9th) 4-5-11 at WMRAA (10th) 4-5-11 habang sinusulat ang balitang ito.