'Bata' isinalba ang araw

Isinalba ni Efren ‘Bata’ Reyes ang masamang araw ng Philippines nang daigin nito ang nagdedepensang world champion na si Mika Immonen, 7-4, sa Motolite 9-Ball World challenge makaraang bu-magsak ang tatlong Pinoy mula sa "The Best of the Rest World" sa Araneta Coliseum noong Huwebes ng gabi.

Naunang yumuko ang bata at baguhang si Dennis Orcullo sa kamay ng Hapones na si Kunihiro Takahashi, 7-3, dinaig ni Corey Deuel si Antonio Lining, 7-3 at pinayuko ni Earl Strickland si Francisco Django Bustamante, 7-4.

Maagang nagpamalas ng husay si Reyes nang sa opening rack pa lamang ay pinanood na lamang ito ni Immonen makaraang magmintis ang tinaguriang ‘The Iceman’ sa 4-ball.

Kinuha din agad ni Reyes ang 3-0 abante makaraang linisin ang rack three na hinangaan ng mga manonood ngunit nakaganti si Immonen nang makakuha ng break para sa iskor na 3-1.

Kinabahan si Reyes makaraang maisubi ni Immonen ang tatlong sunod na rack kung saan nangyari sa kanilang dalawa ito sa Tokyo nang abante si Reyes sa 10-4 sa kanilang race to-11 ngunit natalo pa.

Habang sinusulat ang balitang ito, kasalukuyang magkaharap sina Bustamante at Immonen habang maglalaban naman sina Reyes at Strickland.

Ang magwawagi sa labang ito na tinaguriang "The Best of the Philippines" vs " The Best of the Rest of the World" ay mag-uuwi ng halagang $15,000 bilang premyo habang ang runner-up ay magbubulsa ng $10,000.

Show comments