Cunanan umusad sa finals ng Milo netfest

LAOAG--Pinayukod ni Karl Ivan Cunanan si Carlo Domingo, 8-7, bago isinunod si Arvin Cruz, 8-1 upang makapasok sa final ng boys’ 12-under division ng North Luzon swing ng 2002 Milo Junior Tennis Cup & Regional Workshop dito noong Huwebes sa Laoag Tennis Club.

Isinaayos ng Manila-based na si Cunanan ang kanilang championship showdown ni Brian Amoranto na nanaig naman kontra Marbart Eugenio, 8-4. Itinakda rin ni Cunanan ang kanyang sarili para sa posibleng double crown kontra Jopy Mamawal ng San Beda sa boys’ 14-under class matapos na umiskor ito ng 8-6 panalo sa semifinals laban kay Lendell Chua ng Batac.

Sa unisex 10-under class, binokya ni Chynna Mamawal ng Flos Carmeli Institution-QC si Austin Corpuz, 8-0 upang makausad rin sa finals at harapin si Stephen Chua na sumibak naman sa kalabang si JV Custodio, 8-5 at Joy Mangased, 8-4.

Ang iba pang finalists ay kinabibilangan nina Bedan Borgs Solpico ng San Fernando, La Union kontra Neil Fernandez ng Iligan City sa boys’ 18-under division at local netter Eshna Andres na sasagupa kay Ivy Clamaan sa girls’ 16-under group ng Milo netfest na ito na inorganisa ng CTW at suportado ng Adidas at Sports Kids na may sanction ng Philta.

Show comments