May mga nagsasabing sayang na hindi sila napapanood, dahil bawat laro ay gumagaling silat dapat bigyan ng suporta sa kanilang depensa ng Southeast Asian Basketball Association (SEABA) Junior Championship sa Malaysia sa Hunyo. Kung magwawagi sila doon ay tutuloy sila sa Asian Basketball Confederation (ABC) junior championship sa Kuwait sa Disyembre.
Subalit, sa kabilang dako, masasabi nating panalo ang mga batang ito, dahil marami silang mga mapagkawang-gawang tungkuling ginagampanan sa labas ng basketball court.
Noong nakaraang weekend, dumayo ang RP Youth Team sa Napa compound sa Parañaque upang makipaglaro sa mga kabataan doon, namigay ng bola at tulungan ang Couples for Christ na pintahan ang dalawang tahanang ibinigay ng CFC sa mga mahihirap nating kababayan doon.
"Pangarap namin ito na naging tutoo, salamat," sabi ni Toti at Imelda Abellegos, na nabiyayaan ng bagong sementadong tirahan.
"Kakaiba ang pakiramdam dahil nakatulong din kaming guminhawa ang buhay ng mahirap nating mga kapatid," sabi ni Claiford Arao, isang 6-5 na miyembro ng RP Burlington Youth Team.
Ayon kina Rene at Mimi Bello, coordinator ng CFC para sa proyekto, may sampung bahay nang naitayo ang kanilang Angkop Foundation. Naglalayon itong magtayo ng 1,000 tahanan, na tatapatan daw ng Pambansang pamahalaan.
Liban pa rito, nakikipag-ugnayan pa ang RP Youth Team upang makatulong pa sa ibang mga barangay bago sila tumulak patungong Malaysia. Bagamat mabigat ang kanilang kalendaryo dahil kasali din sila sa ikalawang Ambrosio Padilla Cup, sinasadya nilang lumahok sa mga proyektong makaaangat sa buhay ng ating mga kapwa Pilipino.
Kahit ano pa ang sabihin, panalo sila sa akin.