Bahagyang paborito ang Slashers na manaig dahil sa kanilang home court advantage, bukod pa rito ang ipinakitang pagdausdos ng Waves sa huling laro nila matapos na magkulapso ang kanilang itinayong 22 puntos na kalamangan bago yumukod sa Batangas Blades, 89-86 noong nakaraang linggo.
Taglay ang 6-2 win-loss slate, kasalukuyang nangunguna ang Slashers sa Southern Conference at isang panalo na lamang ang kanilang kailangang upang ganap ng makapasok sa semifinals.
Inaasahang ibubuhos lahat ng Waves na babanderahan nina Chris Clay at Romel Adducul ang kanilang lakas upang pagandahin ang kanilang 4-4 kartada upang makaiwas sa pagkakasibak.
Muling sasandig ang Slashers sa mga balikat nina John Ferriols, Reynel Hugnatan, Ruben dela Rosa, Jose Francisco at ang backcourt tandem na sina Dennis Madrid at Dino Aldeguer.
Habang sinusulat ang artikulong ito, kasalukuyang naglalaban ang Blades (4-3) at Cebuana Lhuillier Gems (5-3) sa Lipa City Youth and Cultural Center.
Samantala, inihayag ni MBA Commissioner Joaquin Chito Loyzaga ang pagkakaroon ng pagbabago sa schedule ng mga laro sa elimination round.
Ang laro na orihinal na nakatakda sa araw ng Linggo ay iniliban at sa halip ito ay gaganapin na bukas (Mayo 10) sa Lipa City Youth and Cultural Center. Haharapin ng Amigos ang Olongapo Volunteers sa alas-3 ng hapon na susundan ng engkuwentro sa pagitan naman ng Pampanga Stars kontra sa Batangas sa alas-6 ng gabi.