RP-Spring lusot sa HK

KUALA LUMPUR, Malaysia – Hiniya ng Philippine’s Spring Cooking Oil ang Hongkong’s Winling,107-105 sa overtime noong Martes ng gabi upang itabla ang kanilang record sa 1-1 sa 13th ABC Champions’ Cup basketball tournament sa MABA gym dito.

Pinangunahan ng seven-time PBA Best Import Bobby Parks at high-leaping Geremy Robinson ang opensa ng Spring sa kanilang tinapos na 33 at 32 puntos, ayon sa pagkakasunod, pero umagaw ng eksena ang dati ring PBA player na si Erwin Luna na siyang umiskor ng winning basket sa huling 16 segundo ng sagupaan mula sa drop pass ni Parks.

Ang panalo ay nagpalakas sa kampanya ng Spring na makapasok sa semifinals ng prestihiyosong 10-team cagefest na ito. Natalo ang opening game ng tropa ni coach Tito Palma kontra Korea, 96-101, noong nakaraang linggo, subalit nadiskaril naman ang Koreans sa HK squad, 77-99 noong Lunes.

Show comments