Magsisimula ngayon ang pakikipagharap ng SMBeer laban sa Alaska Aces sa best-of-five series sa pagsisimula ngayon ng semifinal round sa Cuneta Astrodome.
Bubuksan din ngayon ang sariling semis series ng magkapatid na kumpanyang Coca-Cola Tigers at Purefoods TJ Hotdogs na sisimulan sa Alas-6:00 ng gabi na susundan ng engkuwentrong Aces at Beermen sa gabing-gabi nang laro na sisimulan dakong alas-8:00.
Tanging ang San Miguel lamang ang koponang di kasama sa top four na nakapasok sa semis matapos hugutin ang 79-70 panalo na nagpuwersa ng sudden-death match na kanilang pinamayanihan sa 81-70 iskor noong Linggo sa Araneta Coliseum.
Di gaya ng Beermen, ang Alaska ay may sapat na panahong makapaghanda dahil sila ang kaunaunahang nakapasok sa semis round matapos patalsikin ang FedEx Express noong Huwebes, 74-71 matapos ang tatlong freethrows ni Ron Riley.
Short cut naman ang dinaanan ng TJ Hotdogs at Tigers matapos nilang sabay dispatsahin ang mga kalaban noong Linggo upang itakda sa kanilang semis match para makasiguro na ng isang koponan sa finals ang San Miguel Corporation.
Tinanggalan ng Co-ca-Cola ng korona ang defending champion Sta. Lucia Realty, 75-65 habang sinundan naman ito ng 82-77 pamamayani ng Purefoods kontra sa Batang Red Bull.
Mas kailangan ngayon ang higit sa 100% paglalaro nina imports Lamonth Strothers at Mario Bennett upang lukuban ang tambalang Ron Riley at James Head na mamumuno naman sa Aces.
Inaasahang maipapagpatuloy naman ni Kelvin Price ang kanyang magandang panimula upang makatulong ni Derrick Brown para sa Purefoods habang sina Rosell Ellis at Ron Hale naman ang mangunguna sa Coca-Cola. (Ulat ni Carmela V Ochoa)