Matapos ang anim na taon, muling aakyat sa ibabaw ng lona si Gamboa para sa WBC fight.
Matatandaan na huling sumagupa si Gamboa noong Abril 27, 1996 kontra kay Saiman Sorjaturong para sa WBC minimumweight championship na ginanap sa Thailand kung saan nabigo siya sa ika-8 round ng kanilang 12-round world championship fight.
At sa kagustuhang muling mabawi ang nasabing korona, hinamon niya ang kasalu-kuyang kampeon na si Juanito Rubillar para sa WBC International lightflyweight championship na nakatakdang ganapin sa darating na Mayo 18 ng taong ito.
Ang nasabing WBC title fight ay unang inialok ni boxing promoter Gabriel "Bebot" Elorde Jr., kay Ernesto Rubillar, ang nakatatandang kapatid ni Juanito, ngunit iginiit ni Joe Koizumi ang manager ni Gamboa na hindi na nito kaya ang 105-pounder division at nais na nitong umakyat ng 3 libra.
Ayon kay Gamboa, sisiguraduhin niya na sa darating na Mayo 18, sisikapin niyang maitaas ang kanyang pangalan sa prestihiyosong boxing body at tatanggalan niya ng korona si Rubillar.
Sa 39 laban ni Gamboa, naglista ito ng 31-7-1 kung saan ang 21 nito ay pawang galing sa knockouts, habang taglay naman ni Rubillar ang 26-8-5 at 8 KOs sa 39 laban din.
"Hindi ko siya (Rubillar) bibigyan ng pagkakataon na makaporma upang di na maulit ang nakaraang kong laban. Sisikapin ko na ma-agaw sa kanya ang titulo upang muli akong magbalik sa dati kong porma," pahayag ni Gamboa na umaasa na makakamit ang kanyang tagumpay.