Buhat sa 71-pagtatabla ng iskor matapos ang freethrows ni FedEx import Tim Moore mula sa technical foul ni Alaska import James Head, nakahugot ng foul si Riley mula naman kay Walker sa pagtatangka nito sa three-point area para mabiyayaan ng tatlong bonus shots.
Ito ang naging tuntungan ng Alaska para makapasok sa best-of-five semifinal series kung saan makakalaban nito ang mananalo sa pagitan ng Talk N Text at San Miguel Beer na maghaharap sa sudden-death match sa Linggo na naipuwersa ng Beermen matapos itala ang 79-70 panalo noong Martes.
Pinatawan ng technical foul ni referee Franco Ilagan si Head matapos nitong batuhin ng bola si Dindo Pumaren sa pagkayamot nitong di makakuha ng timeout na isinesenyas bago tumapak sa linya. Kasalukuyang gamit sa torneong ito ang amateur rule kayat hindi puwedeng humingi ng timeout ang player na pinahihintulutan sa professional rule.
Mahigpit ang labanan sa unang bahagi ng bakbakan kung saan uma-bante lamang ng anim na puntos ang Alaska sa unang quarter bago iselyo ng FedEx ang first half sa 51-46 kalamangan.
Agad nagtrabaho ang tambalang Moore at Walker na may pinagsa-mang 35 puntos matapos ang dalawang quarter at nagbigay ng parte sa 13-3 run upang kunin ng Express ang 41-73 kalamangan makaraang makabangon sa 28-34 pagkakahuli sa kaagahan ng ikalawang canto.
Buhat sa 16 pagtatabla, umangat ang Alas-ka sa 24-18 sa kaagahan ng unang quarter ngunit isinara ito ng FedEx sa pamamagitan ng 8-2 run para sa 26-all papasok sa ikalawang quarter.
Samantala, upang palakasin ang koponan para sa kanilang pagsabak sa quarterfinal phase, kumuha ng bagong import ang Batang Red Bull sa katauhan ni Sean Lampley bilang kapalit ni Joe Bunn na umuwi na sa States noong Martes.
Isasabak ng Thunder si Lampley, ang second round pick ng Chicago Bulls sa NBA draft noong nakaraang taon, sa kanilang pakikipagharap sa Purefoods TJ Hotdogs bukas pagkatapos ng laban ng defending champion Sta. Lucia Realty at Coca-Cola Tigers sa Araneta Coliseum.(Ulat ni Carmela Ochoa)