Maniniwala ba kayong may mga coach at player sa PBA na naniniwala sa feng shui o chinese geomancy? Na may isang coach na hindi makakuha ng championship, hanggang sa baguhin niya ang pagkakaayos ng kanyang mga kagamitan sa bahay?
Ayon sa dalubhasa sa feng shui na si Aldric Dalumpines, lahat ng bagay ay may kasamang enerhiya, at nasa atin ang paghahalo-halo sa enerhiya ng mga ibat ibang bagay upang mapaganda ang ating kapalaran.
"Hindi naman natin masasabing may mga likas na malas," dagdag niya. "Pero ang feng shui ay bilang panangga na rin sa mga pagkakataong nasa ibaba tayo ng gulong ng kapalaran."
Lahat ng tao ay may nakatakdang Chinese horoscope batay sa petsa ng pagkakapanganak. Kung susuriin daw ang karamihan sa mga atleta, sa mga araw ng kanilang pinakamatinding tagumpay, tila lahat ng bagay ay nagkaisa upang tulungan siya sa pagkamit nito.
Isa pang madalas nating hindi maintindihan ay ang di pagkakasundo ng ilang mahuhusay na coach at kanilang mga star player. Kung minsan, hindi talaga maipaliwanag ito, kung di sa paggamit ng feng shui.
"Halimbawa na lang, kung yung player ay pinanganak sa taon ng dragon, at yung coach ay nasa ilalim naman ng sign ng tigre," paliwanag ni Dalumpines. "Kadalasan ay hindi sila talaga magkakasundo. Pero may mga paraan na pagaanin ang kanilang pagsasamahan." Iyan ang trabaho ng mga tulad niya.
May mga ilang di sang-ayon sa feng shui dahil sa pananaw nilay kontra ito sa mga paniniwala ng simbahang Katoliko. Pero, sa larangan ng sports, marami na ring kliyente ang mga eksperto rito na nagpapatunay na epektibo ang ganitong kinikilalang siyensiya sa mga ibang bansa tulad ng Hongkong at Tsina.
Ayon sa mga nagprapraktis ng feng shui, hindi ito tulad ng mga pamahiin o pahiyang na inaakala nating nagdadala ng suwerte. Sa halip, ito ay bunga ng ilang libong taong pananaliksik at pagsubok mula pa sa mga unang pagsibol ng sibilisasyon sa Tsina. At maraming atleta, coach at may-ari ng mga sports clams ang gumagamit nito.
Kayo, naniniwala ba kayo?