Binanderahan nina Romel Adducul at Chris Clay ang Pangasinan Waves nang kanilang pabagsakin ang Cagayan de Oro Amigos, 107-97 sa San Fabian Gym, habang pinayukod naman ng Negros Slashers ang Professional Davao Eagles, 95-80 sa likod ng husay ni John Ferriols na ang aksiyon ay idinaos naman sa St. La Salle Gym sa Bacolod City.
Ipinamalas ni Adducul ang pormang nagputong sa kanya ng 2000 MVP title nang humakot ng 27 puntos at humatak ng 15 rebounds, habang nagdagdag naman si Clay ng 21 puntos, apat na rebounds at apat na assists nang kanilang tapatan ang matinding hamong ibinigay ng Amigos upang iposte ang kanilang unang panalo matapos ang dalawang laro.
Kumana naman si Ferriols ng 28 puntos bukod pa ang pagdomina nito sa boards katulong sina Reynel Hugnatan at Carlo Esipiritu upang igiya ang Slashers sa kanilang unang tagumpay makaraan ang unang kabiguan.
Samantala, maghaharap naman ang Olongapo at ang Professional Davao sa alas-3 ng hapon, habang titipanin ng Batangas ang Negros Slashers sa alas-6 ng gabi sa St. La Salle Gym sa Bacolod.