Peñalosa-Tokuyama posibleng matuloy

Posibleng matupad ang inaasam-asam na rematch ni WBC International superflyweight champion Gerry Peñalosa kontra sa kasalukuyang world champion Masamori Tokuyama sa Hunyo kung ang planong pagdepensa ng titulo ng Japan-born North Korean laban naman sa Japanese challenger na si Katsushige Kawashima ay hindi matuloy gaya ng napagkasunduan sa North Korea.

Ipinabatid ni WBC president Jose Sulaiman sa manager ni Peñalosa na si Atty. Rudy Salud na mayroon na siyang mga tao na kinokontak sa Japan hinggil sa kanilang commitment na idaos ang nasabing laban sa North Korea dahil sa nakipagkasundo ang WBC na payagan si Tokuyama para sa ikalawang title defense matapos ang kanyang matagumpay na pagtatanggol ng korona kontra Kazuhiro Ryuko noong nakaraang Marso 23.

Inaprobahan ng world organization ang ikalawang pagdedepensa sa titulo ni Tokuyama matapos ang kanyang kontrobersiyal na panalo kontra Peñalosa noong nakaraang Setyembre sa Yokohama sa isang kundisyon na ang naturang laban ay idaraos sa North Korea.

Sa ilalim ng nasabing kasunduan na inaprobahan ni Sulaiman, inuutusan si Tokuyama na bigyan si Peñalosa ng rematch sa Setyembre na nakalaan para sa title defense sa North Korea. Ngunit kung mabigo ito, nasa kasunduan na bibigyan si Peñalosa ng laban kontra kay Tokuyama na posibleng sa Hunyo.

Ito ang napagkasunduan matapos na pigilan ng WBC ang protestang inihain ni Salud kontra sa referee na nabigong bigyan ng penalty si Tokuyama dahil sa paulit-ulit na head-butts at low-blows na ibinigay niya sa Pinoy pug.

"If the North Korea fight would not take place. I hope you can mandate an earlier fight date between Tokuyama and Peñalosa. That way, the Tokuyama camp and I can start negotiations soonest," ang nakasaad sa liham ni Salud para kay Sulaiman na kanyang ipinadala sa pamamagitan ng fax kung sakaling di matuloy ang susunod na depensa ni Tokuyama sa Korea dahil sa seguridad ng nasabing rehiyon.

Ipinaalam rin ni Salud kay Sulaiman na si Peñalosa ay nakahanda ng umalis kasama si IBF super bantamweight champion Manny Pacquiao patungong Los Angeles upang mag-training ng anim na linggo sa ilalim ni American Freddie Roach sa kanyang Wild Card Gym malapit sa Hollywood.

Hawak ni Peñalosa ang ring record na 44-4-2 na may 28 knockouts kabilang ang eight round technical decision win kontra WBC International interim champion Joel Avila, habang nag-iingat naman si Tokuyama ng 26-2-1, 7-KO’s na sariwa pa sa kanyang ninth round knockout victory kontra Ryuko.

Show comments