Isang eksplosibong depensa ang ipinamalas ng Gems upang igupo ang defending National Champion Batangas Blades sa pamamagitan ng 101-80 panalo sa kanilang tune-up game sa San Juan Gym.
Ipinarada ng Gems ang kanilang manlalaro na pinangunahan ng nagbabalik na si Stephen Padilla at ng mga bagong recruit na sina Bruce Dacia, Buboy Rodriguez at Jerkules Tangkay, rookie Jean Marc Pingris at beteranong si Eugene Quilban, ipinakita ng Cebuana na kayang tapatan ng ibang Southern Conference ang lakas ng Northern Conference squad.
Ang 66 na si Pingris ay humakot ng 12 rebounds, bukod pa ang itinalang walong puntos para sa Gems na magtatangka ng kanilang unang MBA title sa ilalim ng bagong guro na si Francis Rodriguez.
"So far so good. The boys showed what they are capable of doing," ani Rodriguez. "But I still need a big man to be truly competitive."
Makaraang mabigo sa pagkuha kay Billy Mamaril at Ervin Sotto at kasalukuyan pang hinahanap si Nate Payne, nakatuon ang atensiyon ni Rodriguez kina Arnold Gamboa at ex-Pampanga Dragon Angelo David.
"Give me one legitimate center and this team would be ready to do battle in the first conference," sabi pa ni Rodriguez na tatlo pang tune-up games ang kanilang target bago magbukas ang liga sa Cebu kung saan makakaharap nila ang Osaka Pangasinan sa Abril 6 sa New Cebu City Coliseum.