Purefoods nakasiguro na sa quaterfinals

Pormal na inangkin ng Purefoods TJ Hotdogs ang unang slot sa eight-team quarterfinals ng Samsung-PBA Governors Cup matapos ang 92-87 panalo kontra sa Shell Turbochargers sa Cuneta Astrodome, kagabi.

Ito ang ikatlong sunod na panalo ng TJ Hotdogs, ikaanim sa kabuuang 7 laro na naglagay din sa kanila sa solo liderato at iwanan sa ikalawang puwesto ang dating kasosyong Batang Red Bull.

Hataw-kalabaw si import Derrick Brown na kumayod ng 41 puntos bukod pa sa 4 rebounds at 6 assists upang ipalasap sa Turbochargers ang kanilang ikaanim na sunod na kabiguan sa pitong pakikipaglaban.

Umalagwa ang TJ Hotdogs sa huling bahagi ng ikatlong quarter at kanilang iningatan hanggang sa ikaapat na canto kung saan nagsikap naman ang Shell na maagaw ang tagumpay.

"We expected that Shell won’t give up this win easily," pahayag ni Purefoods coach Ryan Gregorio.

Pinagbidahan ni import Leonard White ang umaatikabong 15-3 run sa ikatlong canto upang iposte ang 69-59 kalamangan papasok sa final quarter.

Binuksan ni White ang ikaapat na quarter sa pamamagitan ng kanyang basket para sa pinakamalaking kalamangan ng TJ, 71-59, ngunit sa pangunguna ni Tony Dela Cruz na nag-ambag ng 7 puntos sa 15-8 run, nakalapit ang Shell sa 74-79.

Muling lumayo ang Purefoods sa 85-74 matapos ang magkasunod na tres nina Ronnie Magsanoc at Brown, ngunit humirit pa ang Turbochargers na nakalapit sa 81-85 matapos ang back-to-back basket ni Nuntambu Willingham sa huling dalawang minuto ng salpukan.

Humataw si Brown sa unang bahagi ng labanan upang pangunahan ang Purefoods sa paghakot ng 26-puntos upang hawakan ang 50-45 kalamangan sa halftime.

Mainit din ang simula ni import Askia Jones na humakot ng 20 puntos matapos ang unang dalawang quarters para sa Shell na umabante sa 41-38 matapos ang back-to-back triple ni Rensy Bajar at magkasunod na tres ni Jones. (Ulat ni Carmela Ochoa)

Show comments