Ikalimang panalo ang hangad ng TJ Hotdogs upang makakalas sa pakikisosyo sa Batang Red Bull sa pangkalahatang pamumuno sanhi ng kanilang magkatulad na 4-1 panalo-talo.
Ikatlong sunod na tagumpay naman ang asam ng SMBeer upang higit pang pagandahin ang kanilang katayuan matapos magsimula sa 0-3 sa kumperensiyang ito.
Alin sa dalawang layuning ito ang magkakaroon ng katuparan ay mababatid sa pagtatapos ng engkuwentro ng Beermen at TJ Hotdogs sa nag-iisang laro ngayon sa ganap na alas-6 ng gabi.
Ganap nang nakabangon ang San Miguel sa pagkakalugmok nang kanilang pasadsarin ang Shell Velocity sa pamamagitan ng 76-72 panalo noong Linggo sa Ynares Center para sa kanilang ikalawang dikit na tagumpay.
Matapos madungisan ang malinis na katayuan ng Purefoods na nagsimula sa 3-0 sa kumperensiyang ito, agad namang nakabawi ang TJ Hotdogs sa pamamagitan ng 89-72 panalo kontra sa RP Team Selecta sa out-of-town game ng PBA sa Balanga, Bataan noong Biyernes.
Pangungunahan nina imports Derrick Brown at Leonard White ang Purefoods, ngunit ang tambalan nina imports Mario Bennet at Lamont Strothers ang kanilang makakatapat sa panig ng Beermen.
Kasunod ng Red Bull at Purefoods ay ang Talk N Text na may 3-1 re-cord, Coca-Cola (4-2), Alaska, RP Team-Hapee na may 3-2 kartada at FedEx Express na may 3-3 record.
Katabla ng San Miguel sa 2-3 kartada ang Sta. Lucia Realty kasunod ang Barangay Ginebra at Shell Velocity na may 1-4 kartada habang huli naman ang RP Team-Selecta bunga ng 1-5 record. (Ulat ni CVOchoa)