Mula sa 15 point performance sa kanyang debut game, inilabas na ng husto ni Tim Moore ang kanyang natatagong galing sa paghakot ng 29 puntos, 11 rebounds, 4 assists at 2 blocks upang iangat ang FedEx sa 2-2 panalo-talo karta.
Bagamat mas maganda ang ipinakita ni import Victor Thomas sa kanyang ikalawang game sa paghakot ng 30 puntos, malaking kawalan sa Sta. Lucia ang di paglalaro ni Lelan McDougal sa second half na nagbunga ng kanilang ikalawang kabiguan sa 3 pakikipag-laban.
Naging mailap ang suwerte kay McDougal sa gabing ito makaraang magtapos lamang ito ng may 5 puntos sa unang dalawang quarters ng labanan at hindi na pinaglaro pa sa mga sumunod na yugto ng laro.
Nakapagtala ang FedEx ng 20 puntos na kalamangan, 56-36 sa kaagahan ng ikatlong quarter na naibaba lamang ng Realtors sa 12 puntos bago muling lumayo sa 87-70 ang Express upang ideretso ang tagumpay.
Malaking tulong din ang nagawa ni Jamaine Walker na nagtala naman ng 26 puntos para makatulong sa kanilang bagong import.
Samantala, isa na namang bagong mukha ang masisilayan ngayon sa pagsalang ng Barangay Ginebra ng kanilang bagong import habang itataya naman ng Batang Red Bull ang kanilang malinis na kartada sa pagpapatuloy ng aksiyon sa Cuneta Astrodome.
Ikaapat na sunod na panalo ang tutumbukin ngayon ng Thunder sa kanilang pakikipagharap sa Alaska Aces sa pambungad na laban na maaga na ang simula ngayon, eksaktong alas-3:45 ng hapon.
Ipaparada naman ng Gin Kings ang bagong saltang si Desmond Fer-guson sa kanilang pakikipagharap sa Shell Velocity sa main game na sisimulan sa dakong alas-5:45 ng hapon.
Pinalitan ni Ferguson ang na-injured na si Bubba Wells sa nakaraang pagkatalo ng Gin Kings kontra sa Sta. Lucia ang kanilang ikatlong sunod sa gayong ding dami ng laro.
Inaasahang malaking tulong ang maibibigay ni Ferguson, naglaro sa Flint Fuze sa Continental Basketball Association at may angking record sa US-NCAA kung saan naglaro ito sa Detroit University upang makaahon sa pangungulelat ang Gin Kings. (Ulat ni Carmela Ochoa)