Pinigilan ng Jewelers ang Granny Goose Tortillos sa isang basket lamang sa extra period para iposte ang 85-76 panalo, habang natapatan naman ng Detergent Kings ang physical na laro ng Hapee-Cebu at kanila itong iginupo, 88-71.
Naging mainit ang Montana sa unang yugto pa lamang ng laro nang kanilang ilatag ang 16-6 kalamangan kontra sa hometown crowd na Grany Goose na nagawang makabalik sa likod ni Cristopher Guerrero at Ray dela Victoria upang makalapit sa 37-39 sa halftime, bago nagawa pa nilang kunin ang trangko sa 68-65 sa huling 2:12 oras ng labanan.
Inilapit ng Jewelers ang kanilang panalo matapos na isalpak ni Marlon Kalaw ang kanyang jumper sa 74-72, may 38 segundo na lamang sa laro, pero determinado ang Tortillos nang kumana si Danny delos Santos ng undergoal stab sa final na 1.3 segundo ng laro ang siyang nagpuwersa ng overtime.