Ex-Chicago Bulls nais ipartner kay Jones ng Shell

Nagkukumahog na ang 10 koponan ng Philippine Basketball Association sa pagkuha ng mga imports para sa nalalapit na pagbubukas ng season-opener Commissioners Cup sa Pebrero 10.

Dahil pinahintulutan ng liga ang mga koponan na kumuha ng tigalawang import na may pinagsamang height na 13-feet, sangkatutak na pangalan ng reinforcements ang naglulutangan.

Sinisikap ng Shell na makuha ang dating Chicago Bulls na si Chucky Brown na makakatulong ng naging Best import na si Askia Jones.

Dadalhin naman ng Red Bull dito sa bansa ang 6-foot-3 na si Joe Bunn, dating Old Dominion standout para pumalit sa naunang kinuhang import na si Mo Acha.

Makakasama ni Bunn ang dating balik-PBA na si Julius Nwosu.

Hinihintay naman ng Talk N Text ang pagdating ng dating Ginebra import na si Jerrold Honneycut na makakasama naman ng isang bagitong si Ritchie Frahm.

Ang 6’5 na si Frahm ay naging best shooter sa All West Coast conference sa US NCAA.

Sina Leonard White at Derick Brown naman ang inaasahang magbibigay ng puwersa sa Purefoods TJ Hotdogs para sa unang kumperensiya.

Isang Desmond Fergusson naman ang sinisikap na makuha ng Fed-Ex na maging isa sa kanilang import at ang isa naman ay manggagaling sa players pool ng Memphis Grizzliez kung saan ang FedEx ay part owner.

Inaasahang ibabalik naman ng San Miguel ang dating import na si Lamont Strothers ngunit wala pang siguradong import na makakasama nito.

Isang Fred Williams naman ang pinupuntirya ng Coca-Cola bilang isa sa kanilang dalawang imports.

Sa iba pang balita, hiniling ng PBA sa lahat ng koponan na ideklara ang mga side contracts upang makaiwas sa kumplikasyon at pagmumulta tulad ng sinapit ng Tanduay na pinagmulta ng P14 milyon dahil sa mga natuklasang side contracts ng mga players.

Ilan sa mga lumantad na ay sina Noli Locsin, Bong Hawkins, Dindo Pumaren, Zaldy Realubit at Ricky Calimag na naghahabol ngayon sa Tanduay na mabayaran ang kanilang side contracts dahil ang Uniform Players Contract (UPC) lamang ang babayaran ng FedEx na nakabili ng prangkisa ng Tanduay at nakamana sa mga naturang players. (Ulat ni Carmela Ochoa)

Show comments