Nais ng FedEx na payagan sila ng PBA na direktang magbitbit ng manlalaro mula sa PBA na gaya ng kanilang ginawa sa Red Bull team nang ito ay umentra sa PBA dalawang taon na ang nakakaraan.
Mula sa orihinal na limang manlalaro, ginawa na lamang ng Airfreight 2100 na gawing dalawa ang kanilang huhugutin mula sa MBA.
Kabilang sa manlalarong ibig ng FedEx na isama ay ang Fil-Ams na sina Chris Clay at Jeffrey Flowers sa kanilang pagsabak sa pagbubukas ng 28th season ng PBA sa Pebrero.
At ang problemang ito ay isa lamang sa kakaharapin ng Airfreight 2100 dahil maaari pa rin silang kuwestiyunin ng Board of Governors kung sigurado ang naganap na bentahan sa pagitan nila ng Tanduay.
Matatandaan na ipinagbili ng Basic Holdings Inc., ang may hawak ng prangkisa ng Tanduay sa FedEx na walang kaalaman ang mga league opisyal noong kalagitnaan ng Governors Cup Finals.
At ang dalawang bagay na ito ang inaasahang pagdidiskusyunan ng mga Board.
"FedEx wants to field in a competitive team. How can you do that with guys like Eric (Menk) and Dondon (Hotiveros) gone?" wika ng isang opisyal ng FedEx na ayaw magpabanggit.
Si Menk ay ipinamigay sa Ginebra habang napunta naman si Hontiveros sa San Miguel Beer sa isang trade bago maganap ang nasabing bentahan.
Ayon pa sa source, isang "backdoor deals" ang ginagapang ng FedEx upang makuha ang majority vote ng board of governors na ang nasabing deal ay kinasasangkutan ng pag-ti-trade sa mga manlalaro na ayaw na ng FedEx na i-renew.
Ang isa pang isyu ay kung sino talaga ang franchise-holder ng koponan. Bagamat ang Airfreight 2100 ang siyang nakabili sa prangkisa ng Tanduay, gusto ni Airfreight president Lito Alvarez na ibigay ang prangkisa sa Bert Lina Group of Companies.
"Sa presentation ng financial status at profiles ng kumpanya, naisip namin na instead of Airfreight 2100 we might as well use the Bert Lina Group of Companies," ani Alvarez.
"Sa Airfreight kasi, FedEx lang yung puwede naming gamiting pangalan, unlike sa Bert Lina. Lahat ng kumpanyang under kay Bert puwede naming gamitin in the future," dagdag pa niya.
Sina Clay at Flowers ay miyembro ng Laguna Lakers na siyang sinusuportahan ng FedEx sa MBA.
Si Clay ang siyang leading-scorer sa MBA na may average na 50 points kada laro, habang si Flowers naman ang nagposte ng single-high 24 rebounds.
Sinisimulan na ng FedEx ang kanilang team-rebuilding kung saan kanilang iniaalok sina Jeffrey Cariaso at Bong Hawkins sa Pop Cola kapalit ni Rudy Hatfield na unang naglaro sa Laguna Lakers bago siya napunta sa PBA.
Kasalukuyan ng inaayos nina Clay at Flowers ang kani-kanilang confirmation sa Department of Justice upang di magkaroon ng anumang problema sa araw ng Annual Draft na gaganapin sa Enero 13 sa Glorietta sa Makati.
Isang source ang nagsabi na ang bubuo sa coaching staff ng FedEx ay ang magmumula sa Phoenix Suns, isang koponan sa NBA.
Ang FedEx Philippines ay suportado umano ng FedEx International kung saan ang Phoenix ang isa sa part-owner nito kung kayat kanilang ipapadala ang isa sa kanilang coach upang gumabay sa koponan.
Sa kaugnay na balita, pumirma na si Dennis Espino ng limang taong kontrata sa Sta. Lucia Realty na nagkakahalaga ng P30 milyon.
Si Espino ay tatanggap ng maximum salary na pinayagan ng PBA na P500,000 buwanang suweldo na katumbas ng natatanggap ni Marlou Aquino. (Ulat ni Maribeth Repizo)