FedEx-RP Youth, kampeon sa Cong. Biazon Cup

Gumamit ang FedEx-RP Youth ng mahusay na oustide shooting upang payukurin ang beteranong First Five, 88-83 at makopo ang 1st Cong. Ruffy Biazon Cup title sa Poblacion Gym, Muntinlupa City.

Humakot ang kamador na si Archer Calacar ng 24 puntos, kabilang ang tatlong triples upang ibangon ang kanyang koponan mula sa walong puntos na pagkakabaon patungo sa kanilang panalo sa 12-araw cagefest na ito na sanctioned ng Basketball Association of the Philippines.

Sumegunda kay Calacar ang point guard na si Elias Tolentino na nagtala ng 18 marka at apat na triples at Mark Pingres at Allen Buen na umiskor ng tig-15 puntos.

Nahirang din si Calacar na MVP ng tournament kung saan nakasama niya ang teammates na sina Tolentino at Pingres sa Mythical Team.

Kinumpleto nina Sunday Salvacion ng College of St. Benilde at Eric Ramirez ng First Five ang Mythical Team Selection.

Naibulsa ng Giordano ang ikatlong puwesto matapos na pabagsakin ang San Beda-Toprite, 103-83.

Show comments