Isang mapagkakatiwalaang source ang nagsabing ipinamigay na rin ng Tanduay ang mga natitirang beterano sa team matapos i-trade ng Tanduay sina Eric Menk, Bonel Balingit at Chris Cantonjos sa Barangay Ginebra at Dondon Hontiveros sa San Miguel Beer.
Nasa trading block na rin ngayon sina Bong Hawkins, Dindo Pumaren, Freddie Abuda at Noli Locsin.
Umugong ang balitang nagkasundo na ang Tanduay at Federal Express, isang tagasuporta ng Metropolitan Basketball Association, para sa bentahan ng prangkisa ng una.
Sinabi ng source na sakaling matuloy ang pagbili ng FedEx sa prangkisa ng Tanduay na napabalitang prinesyuhan ng P60 milyon di pa kasama ang kontrata ng players, ay ayaw ng FedEx sa mga nabanggit na beterano.
"Kung magkakabentahan, ayaw ng FedEx kina Hawkins, Pumaren, Abuda at Locsin kasi medyo may mga edad na at saka isa pa, malalaki ang suweldo nila," sabi pa ng source na ayaw magpakilala.
Ang malaking problema ngayon ng Tanduay ay wala pang koponan ang nagpahayag ng kanilang interes sa alin man sa mga players na nabanggit.
Sinasabing ang utak ng bentahang ito ay si Bong Tan, anak ng business tycoon na si Lucio Tan, na sinibak sa Basic Holdings na siyang may-ari ng prangkisa ng Tanduay.
Ito diumano ang kanyang hakbang para makaganti sa mga taong nagtanggal sa kanya.
Ayon pa sa source, wala umanong balak na ibenta ng nakatatandang Tan ang kanilang prangkisa, ngunit dahil sa mga di alam na hakbang ng nakababa-tang Tan, nagalit ang una kung kayat siya ay ipinasibak bilang Board representative sa PBA. (Ulat ni Carmela Ochoa)