Buo ang determinasyon at bitbit ang mataas na morale bunga ng kanilang mga nakaraang panalo, pumasok sa loob ng playing court ang Bankers upang kaagad ipadama ang kanilang ambisyong makopo ang titulo nang mula sa 39-31 pagtatapos ng halftime ay umarangkada sina Oliva, tinanghal na Most Valuable Player ng liga at Rod Maraingan upang mailayo ang laro sa ikatlong yugto ng labanan 60-53.
Samantala, nakuntento na lamang ang host Philippine Star sa ikatlong puwesto makaraang gapiin ang powerhouse San Miguel Corporation 117-92.
Nasayang ang 48 puntos ng tinaguriang Skywalker ng PBA na si Lim nang hindi nito nabitbit ang kanyang koponan sa panalo, habang naging maganda naman ang pagtutulungan ng STARmen sa opensa nang anim na manlalaro nito ang nagtala ng double figures para sa Phil. Star.
Kumamada ng 23 puntos si Jon De Guzman habang nagambag naman sina Alfred Bartolome, Arnel Ferrer, ting Hojilla, Joey Viduya at Noli Lapeña ng 17, 16, 12, 11 at 10 puntos ayon sa pagkakasunod.
Ang RCBC na pang-apat sa top 4 teams makaraan ang eliminations ay dumaan sa makitid na daan patungo sa finals.
Dalawang beses nilang tinalo ang malakas na San Miguel, una sa elims 88-61at ikalawa sa crossover semifinals 87-85 para makaharap ang BIBATO champion ABS-CBN at iselyo ang unang titulo.
Maagang nag-init ang kamay ni Oliva, na tila may kakambal na swerte sa buntis niyang asawa, nang sa unang bahagi pa lamang ng bakbakan ay nagtala na ito ng 24 puntos bago muling nanalasa sa ikatlong quarter sa kanyang 12 puntos at 7 sa huling yugto para sa kabuuang 43 puntos.
Ang The Philippine Star League ay inorganisa ni Philippine Star president and CEO Miguel G. Belmonte na may layunin na mabigyan ng magandang samahan ang kanilang mga kliyente at kaibigan sa advertisement sa pamamagitan ng sports.