Kahapon, nagkasundo ang pamunuan ng Tanduay at ng Barangay Ginebra sa isang deal na kinasangkutan ng tinaguriang "Major Pain" kung saan bagong uniporme na ang isususot ni Eric Menk sa pagbubukas ng 2002 season ng PBA.
Kapalit naman ni Menk sina Elmer Lago at ang isa ring Fil-Italian na si Alex Crisano bukod pa ang dalawang first round picks sa hinaharap.
At ang nasabing deal na ito ang yumanig sa basketball world kung saan lumabas ang ugong na posibleng tuluyan ng lisanin ng Tanduay ang PBA.
Ayon sa isang source, mismong ang may-ari ng Tanduay na si Lucio Tan, na siya ring mataas na opisyal ng Basic Holdings Inc., ang nagpahiwatig na uma-noy ipagbibili na lamang nito ang kanilang prangkisa sanhi ng mga prob-lemang dumating.
Ayon sa source, isa umano sa dahilan ng nalalapit na pagdisbanda ng Tanduay ay ang hindi magandang kinalabasan ng kanilang performance sa nakalipas na dalawang taon.
Ito ay pinaigting pa ng di sumipot si Bong Tan Jr., sa PBA board at sa halip ang kanyang ipinadala ay si Wilson Young, ang chief executive ng Tanduay.
Matatandaan na nagpahayag ang nakakabatang Tan ng sentimyento na ang PBA ay dapat ng tawaging "San Miguel League" dahil sa kanilang pagmimintina ng tatlong koponan at posible pang madagdagan ito ng isa.
Hindi pa nakukuhanan ng sagot si Bernardino upang kumpirmahin ang balitang ito.
Si Dondon Hontiveros ay ipinamigay ng Tanduay sa San Miguel Beer kapalit ni Freddie Abuda, habang sina Chris Cantonjos at Bonel Balingit ay ibinigay naman sa Purefoods TJ Hotdogs kapalit ni EJ Feihl at dalawang draft pick sa hinaharap. (Ulat ni Maribeth Repizo)