Peñalosa dapat pang bigyan ng pagkakataon

Kinatigan ng World Boxing Council ang inihaing protesta ng manager ni dating WBC super flyweight champion Gerry Peñalosa na natalo sa isang kontrobersiyal na desisyon sa Japan-born North Korean Masamori Tokuyama noong nakaraang September 24 at kanilang ninonombrahan si Peñalosa na muling mabigyan ng pagkakataon na sumabak para sa world title.

At sa resolution na nilagdaan ni WBC president Jose Sulaiman at ng manager ni Peñalosa na si Rudy Salud na dumalo sa WBC Convention sa Pattaya, Thailand, pinapayagan na si Tokuyama na idepensa ang kanyang titulo kontra Ryuko ng Japan o sinumang challenger sa Marso 2002.

At sa ilalim ng resolution kung sakaling maagaw ni Ryuko ang korona, siya ang isasabak para sa mandatory defense kontra Peñalosa sa loob ng 90-araw, gayunman kung sakaling mapanatili ni Tokuyama ang kanyang korona, siya ay papayagan na harapin ang isa pang challenger na kanyang mapipisil sa May 2002.

Inaasahan na mapagwawagian ni Tokuyama ang kanyang laban kay Ryuko at napag-alaman na ang kanyang napisil na makaharap ay si Kawashima ng Japan sa Mayo at umaasa ang promoters na madala sa Korea ang laban.

At kung sakaling kapwa mapagwagian ni Tokuyama ang dalawang laban, siya ay inuutusan na idepensa ang kanyang korona kontra naman Peñalosa sa kanilang rematch sa huling bahagi ng Agosto o Setyembre, ayon kay Salud ang laban ay gaganapin sa Korakuen Stadium sa Tokyo kasabay ng WBC Convention sa pagitan ng September 7-12.

Show comments