Sisimulan ngayon ng Laguna athletes ang kanilang paghahanap ng gintong medalya sa hitik sa medalyang athletics na gaganapin sa Panaad Track and Field, gymnastics sa West Negros College, karatedo sa Talisay Sports Cultural Center at dancesports sa Colegio de San Agustin-Bacolod.
Idineklara ni DILG Secretary Joey Lina na siyang pumalit sa di nakasipot na Pangulong Gloria Macapa-gal-Arroyo, ang pormal na pagbubukas ng kompetisyon para sa 3,400 kabataan mula sa 60 local sports council na may edad 12 pababa na magtatagisan sa kabuuang 326 gold medal kung saan 69 nito ay magmumula sa swimming, 48 sa gymnastics at 36 mula sa athletics.
Ang pinakabatang partisipante na si Maria Keisha Yvet Mercado, isang anim na taong gulang na swimmer mula sa General Santos City ang nagsindi ng urno para sa isang linggong kompetisyon na ito na bahagi ng grass-roots development program ng Philippine Sports Commission.
Pitong gold medal ang paglalabanan ngayon sa karatedo at tatlo sa athletics habang magkakaroon naman ng kompetisyon sa artistics events ng gymnastics. Paglalabanan naman ang mga Latin at Standard dancesports sa isang araw na kompetisyon.
Bukod kay Lina, dumalo rin sa makulay na pambungad na seremonya sina Bacolod Mayor Joy Valdez, Negros Occidental Governor Joseph Maranon, PSC Chairman Carlos Tuason kasama ang mga commissioners na sina Cynthia Carrion, Buth Ramirez at ang project director na si Weena Lim.
Nagsimula na rin ang preliminary events sa badminton, chess, football, lawn tennis, little league baseball at softball, table tennis at volleyball. Ang eliminations ng boxing ay ngayon pa lamang sisimulan habang ang kom-petisyon sa swimming at taekwondo ay sa Huwebes at Biyernes magsisimula, ayon sa pagkakasunod.
Itinaas naman ng Negros Occidental ang kanilang bandila sa pagbubukas ng kompetisyon kahapon sa kanilang pamamayagpag sa football at little league-baseball eliminations.
Tinalo ng Negros Occidental katulong ng PSC at ng Bacolod City sa pagta-tanghal ng event na ito ang Baguio City, 8-0 sa football habang kanila namang binokya ang Cotabato, 15-0. (Ulat ni Carmela Ochoa)