The Phil.Star Friendship League: ABS-CBN vs RCBC sa finals

Bilog ang bola!

Ito ang kasabihang nagpatunay sa naging laro ng San Miguel Corporation at Philippine Star nang kapwa lumasap ng nakakapanlumong kabiguan sa pagtatapos ng crossovers semis ng The Philippine Star Friendship League sa Meralco gym.

Nabalewala ang 33 puntos na kinamada ni ex-PBA player Samboy Lim nang ipalasap ng RCBC sa powerhouse at crowd-favorite San Miguel ang makapigil-hiningang 87-85 panalo na nagbigay sa kanila ng puwesto sa finals.

At tulad ng sinapit ng Beermen, nalasap naman ng Phil. Star ang nakapanlulumong 72-83 kabiguan sa kamay ng BIBATO champion ABS-CBN na nagbigay karapatan sa Television men na makaharap ang RCBC sa winner-take all-championship.

Ipinadama ng ABS-CBN ang kanilang bilis at lakas na nagpahirap sa STARmen nang mula sa 48-38 kalamangan ng STAR ay nagbagsak ng 16-0 bomba ang TVmen sa pagtutulungan nina Garnett Cailles at San Pedro upang maagaw ang trangko sa 54-50.

Nagawa pang makalamang ng mga bataan ni coach Noli Hernandez nang magtulong-tulong sina Rene Recto, Jon De Guzman at Noel Cabales upang itala ang 59-58 kalamangan, ang huling abanteng natikman ng STARmen.

Mula dito, muling nagbagsak ng 17-4 salvo ang ABS-CBN upang makalayo nang 12 puntos 75-63 at hindi na muling lumingon pa tungo sa kanilang tagumpay.

Malaking kakulangan din sa SMC ang hindi paglalaro ng top gunner na si Allan Caidic at Art dela Cruz at makuntento na lamang ang Beermen na makaharap uli ang STARmen para sa konsolasyong third place.

Show comments