Noong Martes, nilagdaan na ni DepEd Secretary Raul Roco ang memorandum circular na nag-uutos sa public school children at teachers na lumahok sa third PNYG-Batang Pinoy sa mga games na iho-host ng Bacolod City at Negros Occidental na gaganapin sa Panaad Sports Complex.
Ang nasabing circular ay nagawang pirmahan nina Commissioners Amparo Lim, project director ng third PNYG-Batang Pinoy, Ricardo Garcia at Cynthia Carrion sa kanilang pakikipagpulong kay Roco noong Martes sa mismong opisina ng DepED sa Pasig City.
Naging instrumento rin si Bacolod Rep. Monico Puentevella, dating commissioner ng PSC sa pagi-isyu ni Roco ng memorandum circular kung saan ang halos kalahati ng mga kalahok sa nabanggit na games ay magmumula sa public schools.
Sinisimulan ng ipakalat ang memorandum circular ni Roco sa ibat ibang rehiyon at umaasa ang PSC na ang kopya nito ay matatanggap ng lahat ng local sports councils bago magtapos ang linggong ito.
At gaya ng dati, nagkasundo ang PSC at DepEd na ang kanilang pagtutuunan ng atensiyon ay ang mga malalakas na sports sa 15 disciplines na nakalaan sa kalendaryo ng third PNYG-Batang Pinoy na akma para sa sports development program ng mga kabataang atleta na may edad na 12 pababa.
Ang mga sports na idaraos sa nasabing games ay ang athletics, badminton, boxing, chess, dancesports, football, gymnastics, karatedo, baseball, swimming, lawn tennis, table tennis, taekwondo, volleyball at Little League baseball at softball.