Hinakot ng Iligan City tankers ang anim na ginto, tatlong pilak at apat na tansong medalya upang manguna sa field na kinabibilangan ng four-man team mula sa Davao City, ang siya nilang mahigpit na katunggali matapos na magbulsa ng tatlong gold, dalawang silver at dalawang bronze medals.
Ibinigay ni Genevie Natinga ang apat sa unang ginto ng Iligan City nang magpamalas ito ng impresibong performance sa 200-m freestyle, 100-m backstroke, 200-m individual medley at 100-m butterfly.
Nabigo si Natinga na maisukbit ang kanyang ikalimang gold makaraang lumasap ng masaklap na pagkatalo kay Monique Bacolod ng Cagayan de Oro sa 50-m backstroke. Sa katunayan, sina Natinga at Bacolod ay kapwa nagtala ng tiyempong 35.17 segundo, ngunit nagdesisyon ang mga judges na pabor kay Bacolod dahilan upang makuntento lamang sa silver si Natinga.
Ngunit ang swimming legend ni Jairullah Jaitullah Coastal Davao Swim Team ang siyang nagbigay ng mahigpit na hamon sa Iligan City nang iuwi ni Norton Almara ang gold sa 100-m freestyle at 50-m breaststroke at sa 4x200-m freestyle relay na nilanguyan mismo ni Jaitullah.
Dalawang iba pang gold medals ang nabigong ibulsa ng Iligan City at ng squad ni Jaitullah na napagwagian naman ng Bacolod at Kharem Aljias ng Misamis Occidental na nanguna sa mens 100-m backstroke na may oras na 1:07.10 at talunin ang teammate na si Albert Pondoc at Alamara.
Nagparamdam naman ang Tangub City, isa sa tatlong siyudad ng Misamis Occidental sa panimula ng athletics event matapos na manalo ng dalawa sa apat na gold mula sa thrower na si Jhonalyn Pedrita.
Bumandera si Pedrita sa shot put event sa kan-yang ibinatong 8.55 metro at talunin si Juliete Enriquez ng host Lanao del Norte at Yolanda Herami ng Misamis Oriental na nagtala ng distansiyang 8.09-m at 7.40-m, ayon sa pagkakasunod.
Muli siyang nagpakita ng impresibong performance nang humagis ito ng ginto sa javelin event sa layong 25.74 at muling talunin sina Enriquez (21.52) at Mahara Adolfo ng Misamis Oriental (17.19).
Samantala, pinasisibak ng event organizers at ng National Chess Federation of the Philippines si National Master Rogelio Verganio ng Cagayan de Oro at Rolando Toledo ng Sultan Kudarat sa chess event dahil sa kanilang paglahok sa nakaraang Augusts Philippine Chess Federation Sanctioned Glutaphos Grand Prix.