Humataw sa ikalawang quarter sina Menk at Thomas upang ipundar ang 19-puntos na kalamangan ng Tanduay tungo sa kanilang ikatlong sunod na panalo, ikalima sa, kabuuang pitong laro upang makalapit sa 8-team quarterfinal round.
Kailangan na lamang ipanalo ng Rhummasters ang kanilang huling laro kontra sa Barangay Ginebra sa Biyernes upang makasiguro ng playoff para sa huling slot sa quarterfinals kung saan naghihintay na ang Pop Cola Panthers, defending champion San Miguel Beer, Shell Velocity, ang biktimang Phone Pals at Sta. Lucia Realty.
Bunga ng pagkatalo ng Talk N Text, ikalima sa 12-pakikipaglaban, nabigo itong makakuha ng slot sa top-four na mabibiyayaan ng twice-to-beat kung saan ang Sta. Lucia ay nakakasiguro na.
Matapos pangunahan ni Menk ang naka-aang 92-90 panalo kontra sa San Miguel sa paghakot ng 32-puntos, tumapos si Menk ng 27-puntos para sa Tanduay na naglarong kumpleto ang lineup dahil nagbalik aksiyon na rin si Noli Locsin na tumapos naman ng 1-puntos.
Umabot pa sa 26-puntos ang kalamangan ng Rhummasters, 84-58 matapos ang magkasunod na tres na pinakawalan ni Thomas, 8:33 ang oras sa final canto na hindi na natibag pa ng Talk N Text.
Si Thomas ay kumana ng 35-puntos para sa Rhummasters na nakabawi sa kanilang 76-86 kabiguan sa kanilang unang pagkikita ng Phone Pals noong Oct. 19, hindi pa naglalaro nuon si Menk.
Habang sinusulat ang balitang ito, kasalukuyang naglalaban ang San Miguel Beer at Batang Red Bull bilang main game.